Monday, June 15, 2009
HIGIT PA SA KARUMALDUMAL....
Huwag nating bitiwan ang kasong ito. Bantayan natin. Tunay na maimpluwensiya ang kalaban. At kung ang abogado ng pamilya ng inaakusahan sa karumdaldumal na krimeng ito ang pakikinggan natin, madaling makita kung anong klaseng utak mayroon ang kanyang mga kinakatawan.
Ang tinutukoy ko ay ang pagpatay kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez. Kung mas may masahol pa sa salitang karumaldumal, yun ang katapat nito.
Sa isang panayam ni Arnold Clavio, sinabi ng abogado ni Manuel Jimenez, biyenan ni Ruby Rose, na kung ang kliyente daw niya ang nasa likod ng pagpatay sa manugang nito, maano man lang daw ba na itapon na lang sa dagat ang bangkay o kaya ang drum na kinalalagyan nito dahil marami naman daw barko ang kanyang kliyente.
Nakapaninindig balahibo. Ni wala kang maramdamang awa o simpatiya man lang mula sa mismong abogado. Na para bang napaka-normal ang magtapon ng bangkay sa karagatan.
Pero sabi nga, saan ba nahuhuli ang isda?
Maanong itapon na lang daw sana sa dagat kung ang kliyente niya ang talagang nag-utos...
Yun pala---may mga ganitong kaso mismo--eksakto----di na natagpuan---dahil itinapon nga sa dagat.
Nilubos-lubos na ni Manuel Montero ang kanyang paglalahad ng katotohanan at nalalaman laban sa mga Jimenez, may-ari ng Buena Suerte Jimenez-Fishing sa Navotas Fish Port.
Ang kunsiyensiya kapag umusig, iba. Ganito ang nangyari kay Montero. Natagalan man ang kanyang paglalahad, hindi pa naman ganap na huli ang lahat para mapanagot ang mga dapat managot sa krimeng ito...na hindi lamang pala isa.
May iba pa palang biktima. Tulad ni Ruby Rose, pinatay at isinilid din sa drum. Ang iba, itinapon ang drum na pinagtaguan sa kanilang bangkay sa dagat. Isa sa mga ipinapatay umano ng mga Jimenez sa kanya ayon kay Montero ay si Alberto Orsolino noong 2006, halos kasunod lamang o nauna sa panahong iniulat na nawawala si Ruby Rose.
Hindi matatawaran ang kredibilidad ni Montero bilang witness sa kasong ito. Oo, siya ang umaming pumatay kay Ruby Rose at sa iba pa. Pero kung gawa-gawa lamang ito---hindi niya maituturo kung nasaan ang drum, nasaan ang bangkay, at ni hindi maisasalarwan ang posisyon ng bangkay sa loob ng drum.
Walang motibo si Montero para patayin ng kusa lamang si Ruby Rose o ang iba pang biktima. Ang motibo lang dito--pera, binayaran siya. Trabaho, walang personalan, may mga assassin talaga, may mga sikmurang kayang gawin ito. Nagawa na nga.
Pero may umusig. May puso ang bawat tao. May takot ang bawat tao. May kunsiyensiya. Yun ang umiral.
Humahanga ako sa pamilya Barrameda, lalo na sa aktres na si Rochelle. Alam niyang higante ang kalaban nila. Pero di siya nawawalan ng puso. Sa tingin ko ay lalo pa siyang tumapang at mas naging determinado ngayon na makapamit ang hustisya para sa kanyang kapatid.
At kung susundan ang kuwento rito---ang mga taong kayang magpapatay, hindi lang dahil sa may pera sila, kundi dahil sa may kuneksiyon sila.
Sa kuwento---maraming ilegal na negosyong dapat na ipaliwanag ang mga Jimenez ng Navotas.
Paihi ng langis---oil smuggling sa madaling salita. Dati nang bulong-bulungan ito na ang ilang barkong pangisda kuno ay front lamang ng illegal oil smuggling sa bansa. Ito ang magandang pagkakataon para sa mga otoridad para patunayan nang walang pasubali ang ilegal na aktibidad na ito at papanagutin ang mga tinatawag na economic saboteurs ng bansa.
Naisip ko lang, magulat kaya tayo kung sa psgsasaliksik sa kuwentong ito, may matisod na impormasyon na ang linya ng proteksiyon sa ilegal na gawaing ito ay papataas na naman? Di ba, minsan na nating narinig na pati sa ganitong gawain, abot ng impluwensiya ng isang makapangyarihang tao sa gobyerno?
Pero wag na muna nating dagdagan ng detalye o patabain ito ng sanga-sangang akusasyon bagaman malinaw na puwedeng may kinalaman ito sa motibo. Pinatahimik na mga bikttima dahil sa kanilang nalalaman.
Doon muna sa krimen mismo. Sa ginawang pagpaslang kay Ruby Rose at iba pa.
Huwag natin itong bitiwan. Pahiram ng linya ni Mike Enriquez---huwag natin itong tantanan!
Bibihira ang pagkakataong kumanta nang ganito kalakas ang isang napakahalagang saksi laban sa isang krimen.
Samantalahin natin ang pagusbong ng takot at pagiral ng kunsiyensiya ni Montero.
Abot-kamay ang hustisya, huwag tayong kakalas. Kailangan ng mga Barrameda ang tulong natin---lalo na tayong nasa hanay ng Pamamahayag. (wakas)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
I salute to you who continues to deliver the people's right to be informed. I just hope that these biggest fools, the giant monsters,the brainless masterminds who are responsible for Ruby's murder will eventualy find their way to hell!!!
ReplyDelete