


Alam kong marami ang magagawi sa pagbubulalas kong ito tungkol sa usapin ng Komiks dahil sa ito ay nadidikit ngayon sa kontrobersiyal na NATIONAL ARTIST AWARD at lalo pa kapag nabasa ang pangalang Carlo J. Caparas.
Hindi ito pagtatanggol kundi isang paglalahad ng aking saloobin, hindi kay Caparas, kundi sa KOMIKS. Sa mundo ng komiks.
Alam ito ni Ding Gagelonia, hindi naman sa kailangan ko pa ng testigo para lang makapuntos. Bahagi kasi ng kuwento. Nung nag-aplay ako noon sa DZBB-GMA-7, circa 1990, may dala ako clippings ng mga articles ko sa school paper na ako ang patnugot at mga maikling kuwento at kung ano-ano pa. Siyempre, pagka-reporter ang inaaplayan ko, eh bakit may short story folder pa? Ang totoo, may kasamang drawing folder din iyun at kung nahalungkat ang bag ko noon...may minus one din. Oo, kung di ako natanggap ni Ding. may plan B ako, kay ate Helen Vela ko ipapakita ang aking mga short stories para sa Lovingly Yours Helen. At kung di naman nakapasa, abah...mailabas nga ang minus one at mag-audition ng isang song and dance number...Zsa-Zsa Padilla, Point of No Return, contest piece ko noon sa Music Mate Regional Championship, at kung di pa uli nakapasa---ay sa Atlas ako tatakbo, gagawa ng nobela sa komiks at magdedebuho! Ala Carlo J. Caparas!
Ang masasabi ko lang, HE-HE-HE! oo---dami ko plan b--may b-1, b-2, b-3....ganun kapag naguumapaw ang pagnanais mo na makaalpas sa kung ano pa man.
Going back to Carlo and to the world of KOMIKS---this medium and the names attached to this form of media are images that accompanied me through my growing up years.
Pag inuutusan akong mamalengke noon---ah kailangan may matirang kahit 50-sentimos. May sa malamig na ako, 15-sentimos, may banana-que pa, 15-sentimos, may arkila pa ng komiks sa kanto, dun ka magbabasa ha, para 15-sentimos din lang!
Di nawala ang pagmamahal ko sa komiks at sa pagdidibuho. Nang makasilip ako ng libreng oras noon, nasa media na ako, reporter na, nag-enrol ako sa klase ni Hal Santiago sa Pasay, si Hal Santiago ay isa rin sa mga higanteng pangalan sa daigdig ng komiks. Isang sakay lang, diretso mula sa Timog kaya dun ako napadpad. Kaso di ko naipagpatuloy kasi baka noon pa lang, natigok na ako, sa pagod, ala una ba naman ng madaling araw ang duty ko sa DZBB? Tapos aral pa sa hapon sa unibersidad dun sa tabi ng riles sa Sta. Mesa, tapos, minsan, ang oras ng pagtulog, di pa makukuha dahil ang kahaliling writer/producer ng newscast---abah..absinero. Ibang kuwento na yun, he-he! Baka mapangalanan ko pa. Teka, Pareng Orly T. absinero pa rin ba ang taong tinutukoy ko? Bwahahaha!!! (O pati tawa, KOMIKS!)
Wakasan man o nobela yan sa komiks---ay talagang inaabangan ko. Pero di tulad ng iba na basta komiks lang, sinabayan ko ng basa naman ng mga libro na donasyon ng mga Kano sa Base Militar noon sa Olongapo. Wala pang internet...TV nga wala sa bahay, silip lang sa kapitbahay. Nung magkaroon, parang cabinet pa, may kandado pa! Ah---komiks na nga lang.
Hindi na ako makikiambag pa sa debate ng kung sino ang nararapat o hindi, kung napulitika ang National Artist Awards o hindi, kung nasunod ang proseso o hindi---dami nang nasabi eh.
Pero sa isang mula sa hanay ng masa na tulad ko, may kirot sa dibdib na marinig na naalipusta ang isang Carlo J. Caparas at nasabihang hindi marunong mag-drawing, gayung, bata pa ako.....at alam naman ng lahat ng nasa komiks ito, lalo na nung ang industriyang ito ay namamayagpag----na marunong mag-dibuho si Carlo J. Caparas. Kung ikukumpara sa ibang dibuhista, sa aking personal na panlasa, may mga mas hihigit kay Carlo J. Caparas...andiyan si Nestor Malgapo Sr. at si Hal Santiago nga...iba ang atake naman ng pag-guhit ng mga ito....pero ang kaibahan ni Carlo J. Caparas, naiangat niya at mas napalawak ang kanyang uri ng sining. Sa salitang ingles---"he continued to evolved as an artist" na nang mamatay ang daigdig ng komiks, nang naghihingalo ito --- siya may iba nang tinatahak na mundo--pelikula.
Kung ang naging mga unang argumento ay hindi nasamahan ng paghamak at natuon lamang sa usapin ng sinasabing proseso --- walang makikitang paghahati o pagbabaha-bahagi ng kampo mo, kampo nila, kampo natin----walang haliging namamagitan----mas naging mataas sana ang uri ng debate tungkol dito.
Si Yoyoy Villame ay tunay na henyo...karapat-dapat siyang maging National Artist at isa ako sa mga unang sumang-ayon nang ang panukalang ito ay lumutang sa Facebook, nasipat ko sa pahina ng kasamang si Ares.
Si Dolphy ay tunay na henyo din at karapat-dapat sa pagkilala---noon pa man. Ano ba ang kuwento ng pelikulang Filipino kung wala ang mga pahina ng brilyo ng karera ng Hari ng Komedya?
Pero alam ninyo, sa tulad ko, sa ka-henerasyon ko, ke makuha ni Carlo Caparas o hindi ang pagkilalang siya ay National Artist, okey lang naman dahil sa tulad nina Yoyoy Villame at Doplhy...sila ay mga pangalang mananatili na sa kamalayan ng marami sa aking ka-henerasyon.
(Ang mga imahe, unang dalawa sa itaas ay akin--halimbawa ng aking pagdidibuho. Matagal na itong kuha, naisipan ko lang na ilagay. Yung dulo sa ibaba, yung babaeng kay rilag, na tila nakatingala, dibuho iyan ni Carlo J. Caparas.)