Saturday, August 1, 2009
TANGLAW MULA SA KAIBUTURAN
ANG MGA SUMUSUNOD NA MGA KATAGA AY HINDI MULA SA AKIN, KUNDI HALAW SA PANGULONG TUDLING NG PAHAYAGANG The Philippine Daily Inquirer NA KUNG SAAN ISA RIN SA NAGSUSULAT BILANG MAMAHAYAG ANG INYONG LINGKOD.
LABIS AKONG NAPUKAW NG MGA SALITANG NARITO NA AKO AY NAGKUSANG ITO AY ISALIN SA WIKANG FILIPINO PARA PAG-ALABIN PA ANG KABULUHAN AT KAHULUGAN PARA SA MAS MARAMI NG ILAW NA PINATUTUNGKULAN SA EDITORYAL NA ITO NG PDI.
ITO MUNA BAGO ANG AKING PERSONAL NA PANANAW SA KUNG SINO NGA BA SI DATING PANGULO CORAZON AQUINO PARA SA ATING MGA FILIPINO.
Nang tuluyang maupos ang kandila ng ilaw sa buhay ni Cory Aquino, sa huli at mapait na yugto sa pagamutan kung saan siya nakaratay, ang buong bansa, ang sambayanan, sa isang banda, ay inaasahan na ito. Gayunman, ang balita ng kanyang tuluyan nang pagpanaw ay tinanggap pa rin na may pagkabigla at labis na kalungkutan na naramdaman sa buong bansa, kalungkutan na muling naglapit sa mahirap at mayaman, bata at matanda, partisano at mga walang pakialam, babae at lalake, sundalo at mga sibilyan.
Ang pagkakaisa ay bibihira sa ating bansa, ngayon, nasumpungan natin ito at nakapanlulumong mapagtano na ang kamatayan ni Cory ang siyang nagbuklod sa isang watak-watak na bansa.
Sa kanyang nanginginig na tinig noong 1948, sinabi ni Jawaharlal Nehru sa kanyang mga kababayan ang pagpanaw ni Mahatma Gandhi, at tumatak ang mga katagang ito, “Ang ilaw ay wala na sa ating buhay at ang kadiliman ay laganap.” Walang ibang pambansang personalidad sa kasalukuyan ang gumanap sa papel ng paghahatid ng mapait na balita ng kamatayan ni Cory, sa halip, ito ay nalaman ng publiko sa pamamagitan ng kanyang labis na nagdadalamhating anak na lalake, at mula doon, kumalat na ang balita at ang simula ng pagbabahagi ng mga magagandang alaala.
Nararapat lamang na ihalintulad ang kawalan na isinatinig noon ni Nehru sa pagkawala ng isang Filipina na sinikap ang kanyang kakayanan na gawing isang institusyon ang pagkakaroon ng pulitikang walang bahid ng karahasan sa ating bansa. Si Gandhi ay nagsilbing inspirasyon ng kabiyak ni Cory, at anumang binalak na gawin ni Ninoy, si Cory ang nagpatuloy kasunod ng malagim na pagpaslay sa kanya. Ang kawalan ng karahasan, mula noon, ang naging nangibabaw na kalakaran ng pagpapatupad ng pagbabago sa ating bansa, isang rebolusyon sa kaisipan, na nabigyang buhay sa pamamagitan ng mga panalangin, martsa at mga pagtitirik ng kandila.
Sabi pa ni Nehru, “Ang ilaw na tumanglaw sa bansang ito sa loob ng maraming taon ay patuloy pang magbibigay liwanag sa bansang ito sa mas mahaba pang mga taon,” pagpapatuloy pa nito, “at sa susunod na sanlibong taon, ang ilaw nay an ay makikita hindi lamang sa bansang ito kundi sa buong mundo at magbibigay ito ng kakaibang kapayapaan sa hindi mabilang mga puso.”
Ano nga ba ang ilaw na ito? Ito ay ang munti ngunit matatag na ilaw ng personal na paninindigan at kunsiyensiya na hindi natinag kahit na ang bansa at kahit pa ang mga itinuring niyang pinakamalapit at pinakamahal sa kanya ay lumayo, tumalikod---nakalimot, at bumatikos pa nga, dahil sa ang kanyang asawa ay piniling makulong kaysa sa yumukod sa isang diktador.
Ang ilaw na yan ay nagmumula sa isa pananampalaya na laging nagdadala sa kanya sa dalanginan, hindi upang sumuko o umayon sa brutal na pamamayagpag ng isang diktador, kundi para hingin ang pagkakataong malinis ang selda ng kanyang nakakulong na asawa sa bibihirang pagkakataon na siya ay napahintulutang ito ay bisitahin, na laging nagdala sa kanya sa pagluhod at malalim na panalangin, hanggang sa siya at ang kanyang asawa ay nabuhay sa ibang bansa, sa mga panahon pagkatapos ng pagkamatay ng kanyang asawa, nang ang kanyang mga kosa ay naging kanya na para isulong at ipatupad.
Ito ay ang ilaw ng kasarinlan, ang hindi matatapakang siga ng demokrasya, ang ilaw ng pag-asam at paniniwala sa Filipino, na nagising mula sa imahe ng kanyang asawang nasa loob ng isang kabaong, buhay na kinitil ng bala ng isang bayarang mamamatay tao, na ilaw na siya ring nagsindi sa iba pang maliliit na siga, hanggang sa unti-unti, ang kadiliman na sumaklob sa bansa mula noong 1972 ay unti-unting napawi.
Ito ang ilaw na hindi kayang gupuin ng anumang kudeta o ng anumang unos hatid ng kalikasan, lalo na ng mga panunuya ng mga taong ang nakita lamang sa kanya ay ang babae, isang balo lang, isang tao lang na ang tanging hinangad ay ibalik ang kapangyarihan sa tunay na nagmamay-ari nito---sa kamay ng taongbayan, para muli, gawin nila ang naisin nila.
Ang ilaw na mula sa kaibuturan ni Cory Aquino ay muling nakita ng lahat nang siya ay bumaba sa puwesto, ang tanging pangulo sa ating kasaysayan na hindi nagpakita ng anumang pagnanasang makamit ang kapangyarihan ngunit naging masigasig sa pagnanais na bitiwan ang kapangyarihang ito, ganap at sa takdang panahon. Ang ilaw na ito ay nagpatindig sa kanya sa tuwing ang demokrasya ay nasa balag ng alanganin, pinalakpakan siya dito, meron namang hindi dumating sa pagkaunawa kung ano nga ba ang mga bagay na mahalaga sa kanya. Ang di pagkaunawang ito ay mula sa mga kritikong hindi inabot ng kislap ng ilaw na ito, ilaw mula sa kanyang kaibuturan, na hindi kailanman naghangad ng anumang kasikatan na tatak ng isang pulitiko.
Ang ilaw na ito ay nakuha natin mula kay Ninoy at Cory, ilaw na ipinasa natin mula sa isa, hanggang sa isa, at sa sumunod pa, hanggang sa sinabi natin sa ating mga sarili na mas maiman ang magsindi ng kandila kaysa kasuklaman ang kadiliman. Ito ang ilaw na ipinagdiriwang sa natatanging yugto ng pagkatubos at pagwawagi ng ating bansa.
Ngunit sa ngayon, ang mga puso ay mabigat, at ang magaganap ay pagpapaalam, mula sa kahamak-hamakan hanggang sa kagitigan ng parangal ng Estado, ngunit sa kabuuan, lahat tayo---tulad niya---mga humawak at natanglawan ng ilaw, ilaw na hindi mapapanglaw, hanggat ang pag-ibig sa kalayaan at kasarinlan ay nananahan sa ating mga puso---na umiiral ngayon, panghabambuhay na tanglaw—sa puso nina Cory at Ninoy.
At para sa mga nalalabi pa----sa gitna ng seremonya at pagkilala sa pagpanaw ng isang dating naging lider ng estado---ang kanyang huling habilin na ipinabot sa kanyang pamilya ay tiyak at detalyado:Ang mga kanyon ng militar ay nagsipag-ingay para sa kanilang pagpupugay, ang mga watawat at ibababa sa kalagitnaan, isang sundalo ang magbabantay sa kanyang labi. Ang lahat ng mga karangyaan ng parangal na inasam-asam ni Ferdinand Marcos, sa kanyang likas na kapayakan, lahat ng iba pa ay tinanggihan ni Cory. Ang tanging saliw at kasama niya sa kanyang huling himlayan, sa tabi ng kanyang pinakamamamahal na si Ninoy, ay dili’t walang iba kundi ang dahilan kung bakit namatay si Ninoy at dahilan kung bakit siya nabuhay at nagpatuloy, tayo, ang sambayanan, na walang paguuri sa kung ano ang kalagayan sa buhay o kung saan tayo nagmula.
Katulad noong 1983, ganun din nga ngayong 2009: Si Cory, at ang sambayanan, magkasama para ipamalas na ang tunay na kapangyarihan, ang kaluwalhatian at ang kagitingan ay wala sa puwestong ibinigay ng mga nasa puwesto kundi mula sa mga taong malayang nagbigay sa iyo nito. At tulad nga noong 1986, nangyayari ngayon, tayo ay muling nagkaisa, sa mga lansangan, sa alaala at sa pagmamahal sa ating walang pagmamaliw na ilaw, si Cory. Hayaang ang mga araw na ito n gating pagluluksa ay mga araw din ng paggunita, ng muling paglasap, kahit sandali lamang, ng napakailap na pagkakaisa ng bansa na labis nating hinahangad.
At muli, tayo ay muling lumakad, mag-martsa, tulad ng ginawa natin noon----hindi lamang para mamamaalam, ngunit para ipagpatuloy ang pagtahak sa daang marami na ang nakalimot: ang daan ng isang hindi matatawaran, hindi nasusukat at hindi maglalahong dedikasyon na ipaglaban an gating kasarinlan. (wakas)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment