Sunday, September 27, 2009

Nang ibinuhos ni ONDOY ang lahat-lahat...



Nakatitiyak akong hindi ako nag-iisa sa ganitong karanasan. Marami ang sumailalim sa kakaibang damdamin at kalagayan kahapon. Yun bang makakatanggap ka ng text message na humihingi ng saklolo at tulong at gustong-gusto mo mang tumulong, wala kang magawa dahil sa ikaw ay nasa gitna din ng baha at sa hindi na gumagalaw na usad ng trapiko?

I felt so helpless...useless...I am certain many felt the same.

Halos mabiyak ang puso ko sa mga text messages na natanggap ko kahapon. Puputok na ang INBOX ng message ko sa cellular phone sa dami ng text messages. May nasasagot ako, may hindi.

I was worried. Two of my teams were deployed in the field. Yung una, pauwi na from Subic pero stranded na agad pagpasok pa lamang ng papalapit na sa Valenzuela sa NLEX. Yung isa, madaling araw umalis ---4:30 in the morning---umuulan na, pero signal number one lang sabi ng PAG-ASA...parang ambon-ambon pa lang nung madaling araw...lumarga ang team.

Ako naman---may maagang programa sa radyo sa RMN with DEP-ED Secretary Jesli Lapus. Naitakda ko pa nga that morning after the program yung first leg of interview ng mga cadet-reporters ng Net-25 with the secretary. Nauna na akong umalis, susunod sana ako sa Team 2 papuntang Anilao, Batangas. Si Secretary Jesli, naiwan pa sa RMN studio sa Guadalupe sa Makati. May kausap pang mga naghihintay sa kanya na humihingi ng tulong.

Di pa ako nag-almusal---kumain muna sa carenderia sa mismong Guadalupe Market na nasa ibaba. Wala pa ang baha, past 9:30 na. Mabilis akong kumain, saglit lang, sakay na sa service---then go---fly na.

Nang nasa daan na...parang malikmata lang, parang isang kurap lang, agad ang taas na ng tubig baha.

I dialed the land line at home and made sure the kids are okey. Thank God they were in good condition. Nakikinig ng radyo. Trained na ang mga anak ko, kapag may bagyo, AM radio dapat na tumutok. Sabi ng mga anak ko, "Be careful mom...bilisan mong lumampas sa baha, di ka marunong lumangoy!"

Sa hinaba-haba ng pagiging reporter ko, wala pa akong na-cover o nakita kaya na ganito kabilis na pag-akyat ng tubig baha. Ngayon din lang ako nakaranas na ako ay naipit sa baha, na ang dapat na isa sa mga naguulat---ayun at kasama sa mga naipit sa baha. Sa AM radio---marami sa mga kasama sa hanapbuhay ang ganun din ang kapalaran. Mabuti nga't nakapag-report pa sila.

Nagtatawag ako sa phone. Hindi rin matahimik ang phone ko. Isa sa mga tawag na di makalimutan, mula kay Richard na media officer ni Mayor Mon Ilagan ng Cainta, "Arlyn tulong, please, magtawag na kayo ng rubber boats, ang bilis tumaas ng tubig!!!" Tapos agad na nawala. Kasunod text na mula mismo kay Mayor Mon na dating reporter din at malapit na kaibigan. "Friend, tulungan ninyo kami, please."

Tumawag ako kasunod kay Senator Richard Gordon na siya ring Chairman ng Philippine National Red Cross. Busy ang linya niya pero nakalusot ako. "We are doing our best...we are doing our best," sabi ni Gordon. I know that he is really doing just that. Sanay sa disaster management si Gordon, pero sa boses niya, parang dun ko lang narinig sa kanya ang himig na parang wala siyang magawa kahit ano pang pagsisikap niya.

Isa pang text message, mula naman kay Lani na stranded sa Valenzuela, "Ate, rescue...kawawa kami, lalo na mga kasama ko, nakakaawa."

Isa pang text...mula kay Roel naman, " Hindi na kami gumagalaw dito, ano na ba ang nangyayari sa Metro Manila ateng?"

At maya-maya---isang tawag pa sa cellular ko na siya nang tuluyang nagpatulo ng luha ko. "Ate, I am so scared. Please help me. Ngayon lang nangyari sa subdivision namin ito. Tapos naalala ko si Mama, wala ang mga kapatid ko, yung kasama ko sa bahay, inanod ng baha....I am so scared. Wala bang rubber boat? Please keep on calling me ate..."

The person on the other line calls me ate, or older sister. But he's not really my brother in real life. "Ate" is his term of endearment, a mark of our many years of friendship. Parang kapatid ko na siya, sa madaling salita. Kay Joee Guilas galing ang tawag na nagpatulo ng aking luha. " I love you ate..."

"I love you too," I said, "huwag kang mawawalan ng pag-asa, pray ka ha. Pray and remind yourself that you are strong," yun ang sinabi ko, pilit na pinalalakas ang loob niya, sa kabila ng garalgal ko na ring tinig.

Ilan ang kuwentong ganito ang takbo kahapon? Lahat ng tulong gustong ibigay, lahat na kinalampag, binulabog pero walang halos galawan. May mga gumalaw man, di nakararing, ang iba, sila pa nga ang mismong nadisgrasya rin.

Maraming kuwento ang ganito----nangyari sa nakalipas na mahigit na 36 oras mula nang humagupit si Ondoy.

Hanggang ngayon---hindi napuputol ang kuwento ng mga paghihirap na dinaanan ng marami.

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga kumpirmadong namatay dahil sa mabigat at napakaraming buhos ng ulang taglay ni Ondoy. Mas marami pa kumpara sa typhoon Katrina, sabi pa ng PAG-ASA at ng NDCC.

Habang nadaragdagan ang mga kuwento ng pinsala at pighati dahil sa iniwang latay ni Ondoy----hindi ko malimutan ang maikling palakpakan na nakita sa briefing ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa Kampo Aguinaldo kasama ng pangulo at ang mga miyembro ng gabinete.

Ang aga nilang magsabi na naging maagap sila sa pagtugon, na naging mas mabilis pa sila sa responde kumpara sa nangyari sa typhoon Katrina na humagupit sa Estados Unidos....na in not so many words, "mas magaling sila, mas handa sila, mas tama ang ginawa nila." Palakpakan--yehey!!!

Sana nag-briefing na lang sila ng normal.

Sana nagbigay na lang sila ng datos.

Sana yung kung anong tulong na lang ang ibinigay o ibibigay pa at aasahan ang sinaysay.

Hindi yung ah mas mabilis sila, ah mas handa sila...SABI NILA.

Dahil habang tumatambad ang kabuuang pinsala na iniwan ni Ondoy. Lalong lumilinaw ang tunay na kuwento. Hindi napaghandaan ang bagyong ito.

Nang araw na ibinuhos ni ONDOY ang lahat-lahat --- marami ang nagulantang. Kalikasan ang nagsalita. Mahaba pa ang itatakbo ng kuwentong ito. Pero please lang----wag nang sabihin pa ng mga namumuno na ang bagyong ito---ang pagdating ni Ondoy ay pinaghandaan. That is not clearly the story here.

Pero hindi rin ito ang panahon ng sisihan. Ang punto lang ay wag sabihin ang di naman ginawa dahil lang sa gustong pagtakpan ang kakulangan.

Tandaan natin ang lupit ni Ondoy na naiwan sa atin.

But let us not forget how Ondoy made heroes amongst us.

Ang kahinaan at kawalan ng magagawa ng marami ang siyang nagpalakas naman ng loob ng mas marami.

(wakas)

1 comment:

  1. Tama ka walang sisihan sa ganitong pangyayari pero nakakalungkot talaga. Totoong walang kahandaan at mabagal ang aksyon. Habang tumatagal ang rescue operation ay lolobo ang bilang ng mga taong mamamatay. Sana nga lang din sa ganitong panahon wala nang pasikatan sa mga nasa pwesto, tigilan ang pagpapakabayani dahil parang mas bayani pa ang mga taong kahit walang resources na magagamit ay makikita ang pagtulong na nagmumula sa puso.

    ReplyDelete