Monday, May 11, 2009
Bakit bayani natin si Pacman ngayon...
Isang simpleng kataga na lamang ba ngayon ang bayani? Ganun na lamang ba ito kadaling ikabit sa isang personalidad? Para ba sa lahat ito o para sa tunay na natatangi ang naging ambag sa mga pahina ng kasaysayan ng bansa?
Ang totoo, ang pagkabit ng bansag na bayani lalo na ngayon ay puwede namang ikabit kahit kanino.
Bayani ang isang taga-walis ng lansangan na nagtitiis sa init ng araw, pagod at usok ng mga sasakyan at iba pang uri ng polusyon, magampanan lamang ang kanyang tungkulin, makatiyak lamang ng kakarampot na sahod na pantawid na ng gutom ng mga mahal sa buhay na umaasa sa kanya.
Bayani ang mga gurong matapat na naglilinang ng karunungan sa kabila ng sariling pasanin ng pakikipaglaban sa pagtanggap ng dapat sana'y benepisyong nararapat lamang para sa kanila.
Bayani ang mga ama at ina ng tahanan na iniwan ang kani-kanilang pamilya, anak, magulang, kapatid, para magtrabaho sa ibang bansa, lahat ng hirap kayang tiisin, mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Bayani rin ang mga anak na iniwan ng mga magulang na ito, lalo pa ang mga nagbibigay pahalaga sa edukasyon kanilang naaabot sa pamamagitan ng pagsisikhay ng kanilang mga magulang.
Bayani ang kawani ng pamahalaan na nananatiling tapat sa kanyang paglilingkod sa bayan.
Bayani ding maituturing sa isang banda ang ilan sa itinuturing na kaaway ng pamahalaan sa kanilang pagtatangkang magkaroon ng pagbabago at magkaroon ng pantay na karapatan at hustisya. Di ba nga't rebelde rin ang turing kina Rizal at Bonifacio bago sila itinanghal na bayani ng Unang Rebolusyon sa Pilipinas?
Ang punto dito ay---oo, kung hihimayin, ordinaryong salita na lamang ang bayani at sa kanya-kanyang pakikibaka sa buhay, kahit sino ay puwedeng maituring na bayani.
Subalit, iba ang pagiging bayani sa ating panahon ngayon ng isang tulad ni Manny "Pacman" Pacquiao.
Ang pagkabayani ni Pacquiao ay dumating sa panahong kailangang-kailangan ng sambayanang Filipino ng isang simbolo at kakatawan ng pag-asa at ng pangakong kaya nilang baguhin ang takbo ng kanilang buhay, mula sa kahirapan sa kaunlaran, mula sa kawalan tungo sa kayamanan, mula sa panlilibak papunta sa pagkilala---kung lubos siyang maniniwala sa kanyang kakayanan at maniniwala sa kapangyarihan ng paniwala sa Maykapal.
Sa isang bansa na malakas ang sampalataya sa magagawa ng Maykapal, kakaibang kababaan ng loob ang patuloy na nakikita kay Pacman na siyang dahilan kung bakit lalo siyang nagiging popular sa kanyang mga kababayan.
Nang tanungin nga siya mismo ng pangulo sa one-on-one nila sa Malakanyang, may pagbibirong sinabi ni Pacman na hindi kinaya ni Ricky Hatton ang kaliwa---ang kaliwa ng sambayanang Filipino. Na ang ibig ipahiwatig, ang kanyang bawat suntok sabay ng kanyang bawat tagumpay ay nananatiling alay at katumbas din ng tagumpay ng kanyang kapwa Filipino. Sabi pa niya, "nanatili akong gutom sa tagumpay dahil sa alam ko na milyun-milyon Filipino ang umaasa sa aking tagumpay."
Mga katagang walang dudang mula sa isang kampeyon. Pero higit sa isang kampeyon, mga pahayag ito ng isang Filipinong walang dudang kumatawan sa kabayanihang matagal nang nais na mamamalas ng mga Filipino.
Yung bayaning lumalaban. Yung bayaning handang lumusong sa panganib. Yung bayaning sa gitna ng tagumpay, marunong yumuko, magpasalamat at kilalaning ang lakas na taglay niya ay pisikal lamang, na ang tunay na lakas ay mula sa kapangyarihang pinagmulan ng lahat.
Oo---bayani natin ngayon si Pacman at sa mahaba pang panahon kahit pa hindi na siya kampeyon sapagkat naipakita niya sa kapwa niya Filipino ang mga posibilidad na puwedeng mangyari sa isang taong mula sa kanilang hanay.
Isang araw---titigil din ang tagumpay sa parisukat na lona para kay Pacman. Hindi habangbuhay ang tagumpay at mismong siya rin ang kumikilala nito sa kanyang mga nakaraang pahayag, pagpapatunay din na ang kampeyon at ang bayani natin ngayon ay may angking katalinuhan na kumikilala sa mga bagay na darating at darating. Na kung may tagumpay, may pagkabigo.
Pero dahil sa nanggaling siya sa kabiguan muna bago ang tagumpay, alam nating dumating man iyon sa kanyang buhay, babangon at babangon si Pacquiao--tulad ng isang bayani sa gitna ng labanan, masugatan man, lalaban at lalaban pa rin maipamalas lamang ang kagitingan ng lahing kanyang paulit-ulit na ibinabandila sa buong mundo.
Filipino, Filipino---yan ang lahi niya. Lahing kayumnanggi, lahing hindi mawawalan ng bayani sa mga bahagi ng kasaysayang kailangang-kailangan ng tulad nila. (wakas)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment