Thursday, May 21, 2009
LABAN KATRINA, LABAN!
Hindi si Katrina Halili ang unang artista o celebrity na nadawit sa isang sex-video scandal. Marami ang nauna sa kanya. Kailan lang. Ilang taon na ang nakalipas. Dekada pa nga ang ilan. Hindi na ito bago. Huwag na nating pangalanan pang muli ang mga babaeng ito. Igalang na lamang natin ang punto na nalampasan nila ang unos na iyon sa kanilang buhay sa paraang kaya nilang harapin.
Sa karamihan sa kanila---ito ang pananahimik, ang ipagpatuloy ang buhay, at ibangon ang dignidad, unti-unti, dahan-dahan. Wala namang sugat na hindi naghihilom, hindi ba?
Pero may bago dito!
Ang desisyon ni Katrina Halili na tumayo para sa kanyang karapatan bilang babae, ang desisyon niya na hindi lang basta umiyak, magmukmok sa sulok, magtago sa mapanuring mata ng mundo, ang desisyon niyang harapin ang isyu, ang desisyon niyang lumaban. Yun, yun ang bago dito!
Sa aking libro, ang pagharap ni Katrina sa kanyang problema sa gitna ng tunay na gahiganteng kahihiyan ang siyang isa sa nagpapakinang ng usaping ito. Kung tutuusin, ang madla ay madaling humusga sa isang tulad ni Katrina ngunit hindi sa pagkakataong ito dahil malinaw ang pinagmumulan ng kanyang paninindigan.
Isang karapatan ang nalabag. Nabastos. Nabalahura. Nasalaula. Nayurakan. Nababoy!
Iba rin ito dahil sa tayo ay nasa gitna na ng mundo ng cyber-space.Ito ang kapalit ng pag-unlad ng teknolohiya.
Pero teka---wag nating ilihis ang isyu. Madaling lumusot na kasalanan ng teknolohiya yan, ang internet kasi, ang YOU TUBE kasi! Ang dali, hindi ba?
Ang isyu ay ang paglabag na ginawa ng isang indibidwal sa kanyang kapwa na nagtiwala sa kanya. Di lang basta nagtiwala, nagmahal. Yung unang YOU TUBE video, nung pinunasan ni Katrina ang noo ni Hadeen Kho---wag na nating ikabit ang titulong Doktor, kahit di pa ito pormal na inaalis sa kanya---sa ganang akin ay batid niyang wala na siyang mundo pang gagalawan sa propesyong Medikal pagkatapos ng iskandalong ito---ang puntong iyon sa video ay nagpapakita ng pagmamahal sa panig ni Katrina, ng tiwala.
Alam nating higit na nakapanlulumo ang mga naglabasang video di lamang pala sa panig ni Katrina Halili, kundi sa panig ng iba pa. Oo, marami sila. Mahaba ang listahan.
Hindi ba --yun pa lamang ay nakagagalit na? Anong akala ni Haydeen sa sarili niya?
Sabi ng isang psychiatrist na nakapanayam ni Mike Enriquez kaninang umaga sa kanyang programa, ang akto ng pagvi-video ng sekswal na gawain, pagniniig, ay maaaring manipestasyon ng isang medikal na kundisyon na tinatawag na "Paraphilia".
Sabi sa MedicineNET.com, ang mga taong may ganitong kundisyon, o yung tinatawag na Paraphilias ay yung mga indibidwal na may hindi makontrol na sexual behavior o fantasy o mundo ng ilusyon na hindi niya mapanghawakan o malagpasan.
Ayon pa sa naturang website, ito raw ay mas madalas na makikita sa hanay ng mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. 20:1 male to female ratio, yun ang sabi sa website.
Wag na nating gawing kumplikado pa ang deskripsiyon. Sakit ito. Sakit sa utak. Period.
Hindi lamang kababaihan ang nagpupuyos ang damdamin sa isyung ito. Maging mga hanay ng kalalakihan. Ang totoo, nakadidismaya nga na isang lalakeng senador ang unang nanindigan para kay Katrina. Naunahan ang mga kababaihang senador o kababaihang mambabatas sa mababang kapulungan. Naka-iskor dito si Senador Bong Revilla, kahit pa nga may nagsasabing ..."look who's talking.."
Oo na, umaamin naman ang senador, pilyo rin siya, pero di naman yun ang isyu. Nagkataon lang.Ibang kembot lang, sabi nga.Pero nagbukas siya ng pinto, ng isang pagkakataon para magdesisyon si Katrina Halili na gawin ang desisyong sinimulan niya agad: ang lumaban.
Malinaw na may legal na opsiyon ang labang ito ni Katrina. Nagsampa na siya ng reklamo sa National Bureau of Investigation. Ang reklamo ay pinag-aaralan na at sa unang pagtaya sa detalye at sirkumstansiya ng reklamo ni Katrina, ang kaso ay pumapasok sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004.
Kapag napatunayang may kasalanan si Hayden Kho---6 hanggang 12 taong pagkakabilanggo ang puwedeng maging hatol.
Dito masusubukan ang batas na ito. Dito mapapatunayan ang saysay ng labang ito ni Katrina Halili.
Pero maliban sa legal na laban, may isang nandudumilat na katotohanan na nasa ating harapan ngayon.
Isang katotohanang dapat na tugunan ng mga karampatang institusyon. Ito ay ang pagpapahalaga sa katatagan ng pamilya na siyang magiging armas ng mga kabataan sa kanilang pagharap sa mundo na punong-puno ng pagsubok, tukso at iba't ibang uri ng kalituhan, kalaswaan.
Hindi ito sermon. Sino naman ako para ma-nermon?
Ang gusto ko lang sabihin. Malinaw na may mas malaking bagay sa lipunan na dapat tayong tugunan. Ang usapin ng moralidad. Ang pagpili at paglaban sa kung ano ang tama at ang pagiwas at paglayo sa kung ano ang mali.
Suportahan natin ang laban ni Katrina Halili. Ngunit huwag tayong huminto doon. Ipinakita lamang ng insidenteng ito ang mas malalang sakit sa lipunan.
Panahon na para balikan natin ang katatagan ng pamilya.
Sa laban ni Katrina Halili, isabay natin ang pakikipaglaban sa mga bagay na tunay na mahalaga sa ating pagka-bansa, sa ating pagka-Filipino...sa ating pagkatao. (wakas)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Great article,Arlyn! Sulong mga kababaihan!
ReplyDeleteGreat article... Mas maganda siguro kung balik-balikan natin ang kasaysayan... Ang term filipino is synonymous with coruption & lust. Kaya mas mamatamisin ko pang aminin na ako ay lahing Indio, Mangyan, Aeta, Bagubo, Manubo, at iba pa. I am not proud to be a filipino.
ReplyDeleteDi dapat tayo magtataka kung bakit saksakan ng kalibugan ang mga Filipino...di rin dapat tayo magtataka kung bakit noknokan ng coruption ang mga politiko natin...Namana natin yan sa the most corupt and pervert king of spain in the history of spain